Isang Pagtataya Sa Dulang Pantanghalan
Ang Pag-Ibig Ni Rama
I. Aspetong Teknikal
Ang dulang Ang Pag-Ibig Ni Rama na inihandong ng Sonnet Minstrels ay masasabing angkop sa kasalukuyang panahon. Ang istoryang pinagbasehan nito, ang Ramayana ng India, ay nananatiling isa sa mga pinaka-makulay na epiko sa mundo bagaman ito ay lumang-luma na. Sa gayon ay masasabi rin nating angkop pa rin naman ang dula, dahil ito ay hango sa isang epikong walang kakupas-kupas.
Ang produksyon ng dula, bagaman masasabi nang kaaya-aya, ay malayo kung ikukumpara doon sa mga tinatanghal ng Repertory Philippines at iba pang mga dulaan. Una, sa paglalapat ng tinig, medyo marami din ang naging pagkakamali, kung kaya naman nabawasan ng puntos ang dula para sa manonood. Isa sa mga pagkakamaling ito ay yaong pagpatay-sindi ng mikropono sa mga parte ng dulang siya nga namang kailangan ng malakas na tinig ng aktor.
Karamihan naman ng soundtrack na ginamit sa dula ay bagay naman sa mga eksenang ukol dito—pampasira lang talaga iyong patay-sinding mikropono. Alam din natin na ang dula ay isang adaptasyong musikal, ngunit may ilang bahagi sa dula na sobra-sobra ang kantahan; minsan nga ay mapapansing hindi naman na talaga kailangan ng mga nasabing kanta. Ang ganitong suliranin sa naging pagtatanghal ay nagreresulta sa pagkakawala ng interes ng manonood.
Isa sa mga kahanga-hangang aspetong teknikal sa dula ay yaong pag-iilaw. Sadyang napakaganda ng kombinasyon ng pula, asul at dilaw na mga ilaw; nagamit ito nang mahusay at husto—lalong napapatingkad at mga eksena at naipapakita ang damdaming namamayani rito. Masasabing ang pag-iilaw sa dula ay isa sa iilang magagandang bagay sa pagtatanghal.
Ang tanghalan mismo ay pangit. Nakaligtaan ng direktor at nang iba pa niyang kaakibat sa produksyon ang mahalagang papel ng background themes sa isang pagtatanghal. Dahil dito, hindi maramdaman ng manonood ang "paglalakbay" ng mga aktor lalo pa't hindi nila papansinin ang pag-iilaw. Para sa akin, ang background theme ay matuturing na "puso" ng dula. Ang kawalan nito ay nagpapahiwatig na hindi puspusang pinaghandaan ang pagtatanghal; malamang nga ay "kinuripot" pa ang paghahanda rito.
Gayon din naman ang masasabi ko tungkol sa props. Ang magandang props lang ata sa kabuuan ng pagtatanghal ay iyong elepante na ginamit nina Rama at Sita pabalik sa bayan ni Rama.
Bukod dito ay wala nang kapansin-pansin na mga props. Kulang na kulang, at nakakadismaya ito. Halata talagang kinuripot ang paghahanda.
Sa kasuotan naman ay medyo nakabawi ang produksyon. Kapansin-pansin dito ang simbolismong ginamit nila sa mga damit ng mga asawa ng ama ni Rama. Bakit ang damit ng ina ni Rama ay napaka-simple kung ikukumpara kina Sumitra at Kaikeyi na hindi naman naka-upo bilang reyna ng kaharian? Isa pang nakakainis na aspeto ng kasuotan ay iyong damit nina Rama at Sita. Ni hindi mo mapapagtantong "reyna" si Sita dahil sa kasimplehan ng damit nito, lalo na sa kasal nila ni Rama.
Ang tanging kapansin-pansin sa damit ay ang tauhang si Ravanna, lalo na sa facial make-up na ginamit sa kanya. Yung mga mananayaw naman hindi mo malaman kung taga-India ba sila o taga-Indonesia.
Simple lang ang ginamit na make-up sa mga tauhan, at ayos lang naman ito. Iyon nga lamang, ang nakakahinayang ay ang make-up sa mga tauhang sina Ravanna, Soorphanaka at mga Unggoy. Mas maipapakita sana ang "tribo" na kinabibilangan nang mga ito kung mas tiningkaran at mas kinomplikado ang make-up. Huli na nang mapagtanto kong Unggoy pala ang tumulong kay Rama sa paggapi kay Ravanna—at iyon ay dahil naalala ko lamang ito sa aklat ng Ramayana na nabasa ko at hindi dahil sa make-up.
II. Iskript
Sa simula ng Pag-Ibig Ni Rama ay mararamdaman na kaagad ang isa sa mga suliranin, lalo pa't kung papansinin ang pananalita at kilos ni Bharata, ang bunsong kapatid ni Rama. Mapapansin na hinahangad din nitong maging malakas at matalino gaya ng kapatid—at ang paghahangad na ito ay naging mahalaga dahil napagbigyan ito sa gitna ng istorya, kung saan dahil sa pamimilit ni Kaikeyi sa hari ay ipinatapon nito si Rama at inilipat ang korona kay Bharata.
Ngunit ang pinaka-simula ng suliranin ay ang mismong pagpapatapon kay Rama sa malayong lugar. Dito ay sinamahan siya ni Sita at ni Lakhsmana. Napadpad sila sa madilim na gubat—ang kaharian ni Ravanna at Soorphanaka—kung saan ang kagandahan nilang mag-asawa ay nakatawag sa pansin ng magkapatid na demonyo.
Dahil sa epiko nga ng Ramayana ang pinag-basehan sa tula, may kahalong mahika at pantasya ang tunggalian sa istorya. Ngunit bagaman may bahid ito ng mitolohiya ay maiuugnay ito sa kasalukuyang panahon, kung saan ang isang mag-asawa ay pinag-hihiwalay ng ibang tao na may pagnanasa sa isa. Makatotohanan naman ang suliraning ito.
Sa mga adaptasyong musikal na tinatanghal ng Repertory Philippines, napansin kong iisang uri lamang ng wika ang ginagamit nila—ang uri ng wika na talagang angkop sa dulang tinatanghal. Sa kanilang bersyon ng Rama at Sita, pormal na wika ang ginamit. Pormal sa simula at pormal pa rin hanggang sa huling pangungusap na sinabi ng tauhan sa huling eksena.
Ang kabuuan ng wikang ginamit sa Ang Pag-Ibig Ni Rama ay pormal. Maganda sana ito kung naging consistent ang manunulat ng iskript at hindi siya gumamit ng mga salitang kalye o balbal, lalo na sa mga awit nina Ravanna at Soorphanaka. Kapansin-pansin sa mga awit ang mga "kaduda-dudang" bahagi, at yung talaga namang lantaran sa pagkabalbal sa wika.
Malamang ay ginawa ito ng manunulat ng iskript para maunawaan ng manonood nang mabuti ang ibig sabihin ng mga aktor, ngunit sa isang epiko, hindi makatarungang babuyin ang lalim ng mga metapor at simili nito para lang maunawaan.
III. Pag-arte ng mga gumanap sa artistang pandulaan
Maayos naman at makatarungan ang pagganap ng karamihan sa mga aktor na nagtanghal sa Ang Pag-Ibig Ni Rama. Naipakita naman nina Rama, Bharata, Kaikeyi, Sita at Vishvamitra kung sino sila at kung ano ang kahalagahan nila sa istorya. Ngunit hindi ibig sabihin nito na walang "nakakapagpataas ng kilay" sa kanila.
Isa na rito si Lakhsmana. Bagaman sa orihinal na Ramayana ay nagpapahiwatig nga siya ng katawa-tawa at kalmadong personalidad, hindi mapigilang maisip na sinadyang "sobrahan" ang pagiging katawa-tawa na ito sa pagtatanghal.
Ilan din dito ang pagganap nina Ravanna at Soorphanaka. Bagaman andun nga yung nararapat na "takot" at "nginig" sa papel ni Ravanna, hindi mapipigilang mainis rito lalo na doon sa parteng kinakantahan niya si Sita.
Para sa akin, ang pinakamahusay na aktor sa dula ay ang gumanap kay Ravanna. Talagang mararamdaman ang kanyang pag-arte; tunay na masasabing parang siya mismo ang hari ng mga demonyo. Naipapakita niya ng mahusay ang galit, ang tuwa at ang inis.
Ang pinakapangit namang pagganap ay maibibigay sa ama ni Rama. Bukod sa kapansin-pansing nagkamali ito sa dayalogo ay walang buhay ang kanyang pag-arte; para bang kulang sa emosyon at tinatamad siya sa papel na binigay sa kanya.
IV. Direksyon
Dahil sa mas marami ang naging downside sa pagtatanghal, masasabing hindi pulido ang pagkakadirekto sa dula. Wala man lang maayos na background, entablado at props—pati yung mga trabahong sa likod ng tabing na dapat ginagawa ay "naririnig" pa ng mga manonood.
Ngunit ang direksyon ay nakabawi naman sa mga aktor dahil karamihan sa kanila ay natural ang pagganap sa entablado. Ang mga mananayaw at mang-aawit ay masaya kung masaya, takot kung takot at malungkot kung malungkot.
Ang mga bahaging kainip-inip sa dula ay yaong mahahabang kantahan na wala naman talagang kwenta, at yung huling laban sa pagitan nina Rama at Ravanna. Kung ano pa yung bahagi nang dula na dapat sana ang ang pinaka-maganda at pinaka-maaksyon, iyon pa yung ginawang nakaka-antok at korni. Ang inaasahan ko pa naman noon ay isang umaatikabong labanan na halos kaparehong-kapareho nang nasa tunay na Ramayana. Nang matunghayan ko ang inihandang labanan, tuluyan nang nawala ang interes ko sa dula, at pakiramdam ko nasayang ang bayad ko rito.
Ang wikang balbal na ginamit sa mga awit ay ang nagpalayo sa dula sa epikong Ramayana. Dahil sa hinaluan na ito ng mga makabagong salita, gaya ng sexy, matuturing na tuluyan nang nasira ang ugnayan nito sa tunay na epiko.
V. Kabuuang Impresyon
Ayos lang sa akin ang magbayad ng mas mahal, kung ang matutunghayan kong dula ang talagang maganda, nakakaantig sa damdamin at yaong hindi makakalimutan kaagad.
Currently listening to: Remember Me by Josh Groban
Currently reading: The Ramayana
Currently feeling: disappointed